Nakababahalang isipin na sa panahon ngayon higit sa pagiging isang kasangkapan sa pakikipag kapwa-tao ay para bagang nagiging daan ang social media sa pagpapakita ng narsisismo. Wala namang masama na ipagdiwang ang iyong kaginhawaan, gawing bukas na aklat ang buhay, o kaya’y ipaalam sa mundo ang iyong mga galaw. Subalit ang nakababahala ay para bang nagiging peke o minsan naman ay sobra na ang iilan sa pagpapakilala sa kanilang pagkatao at pagpapahayag sa kanilang sarili.
Ayon sa isang kilalang medical website, ang narsisismo ay ang lubhang pagkalulong sa sarili ng isang tao kung saan ay kanya ng isinasawalang bahala ang mga nasa paligid. Dagdag pa nila, bagamat lahat tayo ay may okasyonal na pagpapakita ng mga katangian narsistik, ang mga taong lulong sa narsisismo ay tuluyang kinakaligtaan ang kapakanan ng iba at tanging kanilang pansariling interes na lamang ang binibigyang importansya.
Sa pag usbong ng social media, naging mas laganap ang pagkakagiliw ng tao sa pagbenbenta sa sarili. Sabi ko nga sa isa pang likha ay hindi ito yung literal na pagbenenta ng katawan kahit na mayroon din namang ganyang galawan sa online world ngayon. Ang pinupunto nito ay ang pagbebenta sa sarili para pag-usapan, maging viral, o di-kayay para maipakita na masaya ka o nagiging matagumpay ka sa buhay.
Bago ko ituloy ang diskusyon ay nais ko ng pangunahan kayo na karapatan ng bawat isa sa atin na ipagdiwang ang ating mga kasiyahan at kaluwalhaitan sa buhay gaano man kaliit o kalaki ito sa paningin ng iba at higit na walang masama kung atin itong isambulat sa mundo. Ang masama ay kapag sumobra na. Ika ngay, lahat ng bagay ay nagiging masama kapag sumusobra.
Ngunit kaylan ngaba masasabing tayo ay sumusobra na at tayo ay nagiging narsistik na? Ayon sa isang health journal, ang mga taong may Narcistic Personality Disorder o NPD ay masasabing nabubulag sa pansariling kahalagahan. Kadalasan silay ay nagiging mapagmataas at grandioso. Nagkakaroon rin sila ng pantasya ng pagiging makapangyarihan, ng kagandahan, ng pagiging matagumpay, at ng katalinuhan. Marami sa mga taong may NPD ay pinapalobo at ipinagyayabang ang kanilang mga tagumpay at abilidad.
Kadalasan ay nanghihingi ng atensyon at paghanga mula sa ibang tao ang mga taong narsistik. At sa panaho ngayon, nagiging behikulo para sa kanila ang social media upang makamit ang mithiing ito. Marami sa kanila ay nagiging mapagmataas lalo na sa mga taong kanilang tinuturing na masa mababa ang antas sa lipunan. Mayroon rin silang pinalobong sense of entitlement at lubhang kinahuhumalingan nila ang kanilang estado sa buhay na para sa kanila ay kinaiingtan ng iba. Ang mga narsistik na tao ay uhaw sa papuri at atensyon kaya namay angkop para sa kanila ang kasalukuyan disenyo ng social media kung saan ang mga tao ay maaaring magbigay ng mga papuri at reaksyon.
Isang mahalagang aspeto na masasabing mong ang isang tao ay nagiging narsistik ay kapag hindi nya tinatanggap ang kritisismo. Sa mundo ng social media ngayon ay kadalasang kinukutya o kaya ay ginagamitan ng ad hominem ang mga kritisismo kaysa sa sagutin ng maayos. Ganito rin ang asta nga mga taong narsistik, kapag may pinuna ka sa kanila ay tiyak na aatakihin nila ang iyong pagkatao at hahanapan ka ng butas imbes na sagutin o kaya ay akuin ang kanilang pagkakamali.
Ang mga taong narsistik ay kadalasang hindi nakikinig sa iba sapagkat tingin nila’y sila lang ang tama. Kadalasang nanggagamit sila ng tao para sa pansarili nilang interes. Higit pa, sila ay kulang sa kakayahang umintindi at makiramdam. At ngayon sa mundo ng social media, mas napapalubha pa ang mga dikanais-nais na katangiang ito. Ang mga narsistik sa mundo ng social media ay kadalsang hindi kayang makipagtalo gamit ang katotohan at datos sapagkat mas pinipili nilang maging self-absorbed – na keyso opinion nila yun at dapat respetuhin, na keyso alam nila sa sarili nila na sila ang tama.
Isa pang nakababahala sa paglaganap ng mga taong narsistik sa virtual world ay ang pagkahilig nila na kontrolin ang lahat ng mga nasa kanilang paligid at kapag hindi nasunod ang kanilang gusto, sila ay nagagalit o kaya ay pinuputol nila ang kanila ugnayan sa taong hindi sumunod sa kanila. Ika ngay, mas gusto ng mga taong narsistik ang mga taong uto-uto at sunod-sunoran lamang. Pero kahit na ang mga taong narsistik ay pinapakita na sila ay nakahihigit, sila ay may nakakubling kawalan ng kapanatagan at tiwala sa sariling kakayahan. Kaya nga mas pinipili nilang ipagyabang ang mga bintahe nila sa ibang tao.
Sa mundo naman ng social media, kapag may pinuna ka tiyak na tatanungin ka nila ano ba ang naitulong mo? Sino ka ba? Ano ba ang naabot mo? Para bang wala kanang karapatan na magbigay ng opinion at kuro-kuro kapag wala kang napatunayan sa buhay. Para bang sila lamang ang may monopolyo sa kung ano ang tama. Wag naman sanang ganon, mas maigi ang diskusyon na nakabase sa facts at sa datos at hindi sa mga walang basehang tiktok video o sa mga pekeng artikulo ng mga troll page.
Ganun paman ay dapat na mahalin at intindihin parin natin sila. Ika nga ni Mother Theresa, “People are unrealistic, illogical, and self-centered. Love them anyway.” Gaano man ka self-absorbed ang mga tao sa social world, tandaan natin na higit sa ano paman, pag-intindi at pagmamahal ang dapat nating igawad sa kanila.