Everything about his legendary journey in this world.

21 September 2016

Tamang Timpla ng Buhay: Pait at Tagumpay

Ang prinsipyo ng dualidad ay makikita sa lahat ng aspeto ng pisikal, metapisikal at pilosopikal na bahagi ng mga bagay at buhay sa mundo kabilang na ang tao. Nariyan ang konsepto ng mabuti at masama, umaga at gabi, langit at impyerno, liwanag at kadiliman, mainit at malamig, at marami pang iba. Likas na nahubog ang kamalayan ng tao sa pagkakaroon ng dalawang magkabila at magkasalungat na katangian o sukat. Dualismo ang tawag dito at mas nauna pa itong mahinuha ng tao kaysa sa pagkakaroon ng wika at kakayahang makipagusap.



Isa sa mga sinaunang kamalayan sa bansang Tsina ay ang Yin Yang. Ito ay isang pilosopiya na nagsasabing ang buhay ng tao ay binubuo ng dalawang aspeto, positibong elemento at negatibong elemento. Para daw maging maligaya at makabuluhan ang buhay ay dapat balanse at hindi lalamang ang isa sa dalawang elementong ito. Hindi naman daw masama ang magnasa ng purong ligaya, subalit nararapat na tanggapin natin na kailangan na minsan makatikim tayo ng pait para matuto at mas tumatag. Ayon nga sa isang makaluman turo, ang sakit na ating nararamdaman ay nagpapaalala sa atin na tayo ay buhay pa at nandito sa isang diperpektong realidad na kung tawagin ay kasalukuyan.

Sa buhay ng tao, marami ang masasabi nating pait. Kasama na rito ang mga problema, mga sakuna, mga kabiguan at higit sa lahat mga pangarap na nanatiling pangarap lamang. Tunay na masaklap ang realidad subalit hindi ito nangangahulugan na walang puwang ang ligaya sa ating buhay. Ang tagumpay ng tao, maging ito ay tagumpay sa pag-iisip, tagumpay sa pag-ibig, tagumpay ng mithiin o tagumpay na pisikal ay nariyan para balansehin ang timbangan ng buhay. Ngunit dapat alalahanin na dapat hinay-hinay lang sa pagtamasa ng saya na dala ng tagumpay. Minsan ay mapaglaro ang tadhana at kaya nitong gawing makulimlim ang umaga kahit na tirik na tirik ang araw.


Sa huli ay mahalagang isapuso natin na ang buhay na ito ay biyayang handog sa bawat isa sa atin. Linangin natin ang ating mga sarili at gawin makabuluhan ang paglalakbay sa mundo. Walang masama kung masubsob kaman sa kangkungan nang maraming beses at tunay na kasiya-siya kung naaabot mo ang alapaap ng tagumpay. Kapag nagsama na ang dalawa, mababalanse nga naman at magiging mas  kapanapanabik ang biyahe mo sa mundo. Kaya relaks lang dapat. May tamang timpla ang buhay. Ito ay may halong pait at kasamang tagumpay.  

26 November 2015

Aral muna bago selfie at iba pa!

Sa panahon ngayon kung saan patuloy na nagiging mas mahalagang bahagi ng lipunan ang teknolohiya ay marami sa atin ang tila bagay nadadala nito sa kumunoy ng kawalan ng katuturan sa buhay. Ang Internet at Social Media ay dalawang mahahalagang bagay na tahasang bumabago sa ating mundo. Bagamat wagas at mabuti ang hangarin nitong pagyamanin ang mundo ay marami parin ang ginagamit ang dalawa sa maling pamamaraan. Nariyan ang pornograpiya at eksploytasyon sa mga kabataan at kababaihan. Nariyan ang pangungutya at paninirang-puri. Nariyan ang banta ng adiksyon at pagiging loner o isolated mula sa ibang tao. Ngunit ang mas kakilakilabot ngayon ay ang tumitinding epekto ng “pabebenta sa sarili”.


Hindi po ito Ayos Dito kung saan hanap, usap, deal lang ang bentahan. Hindi rin po ito trafficking dahil di naman po yan ang nais tukuyin nitong artikulo.  Ito po ay ang pagbebenta ng sarili sa social media at internet para makilala o sumikat. Ika nga ng kabataan, peymus! Marami sa henerasyon ngayon ang animo’y salesman at advertiser na benebenta ang sarili para sa likes at followers. Siguro nga ay dahil ito sa likas sa tao ang pagnanais na magkaroon ng halaga. Pero saan mang anggulo mo ito titignan ay maling mali talaga. Wala sa dami ng likes, sa mga pakyut mong pictures o sa di mabilang mong followers nasusukat ang iyong halaga bilang tao. Tayo ay nahuhubog at nakikilala sa mga mabubuti at kapakipakinabang nating ambag sa lipunan.

Ano ba ang naitutulong ng kasiselfie mo sa paghanap ng solusyon sa kurapsyon sa pamahalaan? Yung mga pakwela nyong videos pag napanood ba ng mga pinuno ng bansang Tsina ay hindi na nila aangkinin ang ating teritoryo at tatapusin na ang tensyon sa West Philippine Sea? Ang klarong sagot ay wala at hindi. Walang kwenta talaga. Imbes na ginugol mo ang panahon mo sa pag-aaral tungkol sa mga isyung ito para naman maipaliwanag mo sa iyong pamilya at mga kababayan ang implikasyon ng mga nasabing problema ay mas pinili mo na parang tangang umanggulo at kumuha ng larawan sa harap ng salamin. Marami pang pwedeng tukuyin ngunit baka sabihin nyo na bitter lang ang artikulong ito.

Wala pong ni katiting na bitterness na nais iparating itong artikulo. Ang mahalaga sana kasi ay maisulong sa kamalayan ng ating mga mamamayan na ang tunay na kahalagahang pansarili ay wala sa kung gaano ka kilala ng tao kundi sa kung ano ang mga naggawa mo tungo sa mabuting pagbabago ng mundo at ng lipunang iyong ginagalawan. Maging mas responsable ka at may pagpapahalaga sa iyong bukas. Mag-aral ng mabuti at wag sayangin ang iyong oras. Tandaan, aral muna bago selfie at iba pa!

01 August 2015

Ang Wika

Walang hihigit pa sa salitang kaloob sa isang bansa.
Wika ay natatanging yaman na maipagmamayabang.
Walo, sampu o ilang libu man ang kawikaan,
Sila’y diwa ng yaring bayan.
Wika ay mahalaga, ito’y kalaluluwa ng ating bansa.

Isang libung pulo man ay kaya nitong pag-isahin.
Lahat ng pagsubok kapag nagkakaintindihan ay kayang hamakin.
Iisa ang ating tinig kapag sariling wika ating ginamit.
Ano man ang ating minimithi ay tiyak na makakamit.

Ang wika ay sandata ng yaring bayan.
Kahit ano mang lipi’y nagagabayan.
Kahit milyon ay madadala sa tamang daan.
Kapangyarihan ng wika ay ganyan.

At kung pag-unlad ang pag-uusapan.
Ang wika ang siyang tunay na gabay ng bayan.
Tiyak na may pag-unlad ang mamamayan
Kapag wika na ang nagbibigay daan.