Everything about his legendary journey in this world.

21 September 2016

Tamang Timpla ng Buhay: Pait at Tagumpay

Ang prinsipyo ng dualidad ay makikita sa lahat ng aspeto ng pisikal, metapisikal at pilosopikal na bahagi ng mga bagay at buhay sa mundo kabilang na ang tao. Nariyan ang konsepto ng mabuti at masama, umaga at gabi, langit at impyerno, liwanag at kadiliman, mainit at malamig, at marami pang iba. Likas na nahubog ang kamalayan ng tao sa pagkakaroon ng dalawang magkabila at magkasalungat na katangian o sukat. Dualismo ang tawag dito at mas nauna pa itong mahinuha ng tao kaysa sa pagkakaroon ng wika at kakayahang makipagusap.



Isa sa mga sinaunang kamalayan sa bansang Tsina ay ang Yin Yang. Ito ay isang pilosopiya na nagsasabing ang buhay ng tao ay binubuo ng dalawang aspeto, positibong elemento at negatibong elemento. Para daw maging maligaya at makabuluhan ang buhay ay dapat balanse at hindi lalamang ang isa sa dalawang elementong ito. Hindi naman daw masama ang magnasa ng purong ligaya, subalit nararapat na tanggapin natin na kailangan na minsan makatikim tayo ng pait para matuto at mas tumatag. Ayon nga sa isang makaluman turo, ang sakit na ating nararamdaman ay nagpapaalala sa atin na tayo ay buhay pa at nandito sa isang diperpektong realidad na kung tawagin ay kasalukuyan.

Sa buhay ng tao, marami ang masasabi nating pait. Kasama na rito ang mga problema, mga sakuna, mga kabiguan at higit sa lahat mga pangarap na nanatiling pangarap lamang. Tunay na masaklap ang realidad subalit hindi ito nangangahulugan na walang puwang ang ligaya sa ating buhay. Ang tagumpay ng tao, maging ito ay tagumpay sa pag-iisip, tagumpay sa pag-ibig, tagumpay ng mithiin o tagumpay na pisikal ay nariyan para balansehin ang timbangan ng buhay. Ngunit dapat alalahanin na dapat hinay-hinay lang sa pagtamasa ng saya na dala ng tagumpay. Minsan ay mapaglaro ang tadhana at kaya nitong gawing makulimlim ang umaga kahit na tirik na tirik ang araw.


Sa huli ay mahalagang isapuso natin na ang buhay na ito ay biyayang handog sa bawat isa sa atin. Linangin natin ang ating mga sarili at gawin makabuluhan ang paglalakbay sa mundo. Walang masama kung masubsob kaman sa kangkungan nang maraming beses at tunay na kasiya-siya kung naaabot mo ang alapaap ng tagumpay. Kapag nagsama na ang dalawa, mababalanse nga naman at magiging mas  kapanapanabik ang biyahe mo sa mundo. Kaya relaks lang dapat. May tamang timpla ang buhay. Ito ay may halong pait at kasamang tagumpay.