Ang prinsipyo ng dualidad ay
makikita sa lahat ng aspeto ng pisikal, metapisikal at pilosopikal na bahagi ng
mga bagay at buhay sa mundo kabilang na ang tao. Nariyan ang konsepto ng mabuti
at masama, umaga at gabi, langit at impyerno, liwanag at kadiliman, mainit at
malamig, at marami pang iba. Likas na nahubog ang kamalayan ng tao sa
pagkakaroon ng dalawang magkabila at magkasalungat na katangian o sukat.
Dualismo ang tawag dito at mas nauna pa itong mahinuha ng tao kaysa sa
pagkakaroon ng wika at kakayahang makipagusap.
Isa sa mga sinaunang kamalayan sa
bansang Tsina ay ang Yin Yang. Ito ay isang pilosopiya na nagsasabing ang buhay
ng tao ay binubuo ng dalawang aspeto, positibong elemento at negatibong elemento.
Para daw maging maligaya at makabuluhan ang buhay ay dapat balanse at hindi
lalamang ang isa sa dalawang elementong ito. Hindi naman daw masama ang magnasa
ng purong ligaya, subalit nararapat na tanggapin natin na kailangan na minsan
makatikim tayo ng pait para matuto at mas tumatag. Ayon nga sa isang makaluman
turo, ang sakit na ating nararamdaman ay nagpapaalala sa atin na tayo ay buhay
pa at nandito sa isang diperpektong realidad na kung tawagin ay kasalukuyan.
Sa buhay ng tao, marami ang
masasabi nating pait. Kasama na rito ang mga problema, mga sakuna, mga kabiguan
at higit sa lahat mga pangarap na nanatiling pangarap lamang. Tunay na masaklap
ang realidad subalit hindi ito nangangahulugan na walang puwang ang ligaya sa
ating buhay. Ang tagumpay ng tao, maging ito ay tagumpay sa pag-iisip, tagumpay
sa pag-ibig, tagumpay ng mithiin o tagumpay na pisikal ay nariyan para
balansehin ang timbangan ng buhay. Ngunit dapat alalahanin na dapat hinay-hinay
lang sa pagtamasa ng saya na dala ng tagumpay. Minsan ay mapaglaro ang tadhana
at kaya nitong gawing makulimlim ang umaga kahit na tirik na tirik ang araw.
Sa huli ay mahalagang isapuso
natin na ang buhay na ito ay biyayang handog sa bawat isa sa atin. Linangin
natin ang ating mga sarili at gawin makabuluhan ang paglalakbay sa mundo.
Walang masama kung masubsob kaman sa kangkungan nang maraming beses at tunay na
kasiya-siya kung naaabot mo ang alapaap ng tagumpay. Kapag nagsama na ang
dalawa, mababalanse nga naman at magiging mas
kapanapanabik ang biyahe mo sa mundo. Kaya relaks lang dapat. May tamang
timpla ang buhay. Ito ay may halong pait at kasamang tagumpay.
0 comments:
Post a Comment